Alon at Hangin… Kailan ka darating?

by Riza Matibag Muyot
4:41nu; 19Apr2011


Ilang beses kailangang mapagod para huminto? Ilang beses kailangang sampalin para matauhan? Ilang beses kailangang itaboy para lumayo?

Hindi ko alam. Itanong mo sa alon. Itanong mo sa hangin.

Nakakapagod ang buhay. Marami ang kailangang pasanin. Kahit hindi mo bagahe, madalas, ikaw ang nagdadala. At kung wala kang dinadala, nakakapagod ang kawalan.

Pagod na ako. Ayoko nang gumalaw. Ayoko nang mag-isip. Hahayan ko na lamang na padparin ako ng mga alon hanggang makarating sa dalampasigan. Pababayaan ko na lamang na liparin ako ng hangin. Bahala na kung saan makakarating at kung saan dadalhin ng kapalaran. Pagod na akong lumangoy. Pagod na akong lumipad. Kailangan ko nang sumakay sa alon. Kailangan nang buhatin ako ng hangin.

Sana ay may dumating na alon. Sana ay payapa ang dagat sa pagdating ng alon. Sana ay may dumating na banayad hangin. Sana ay walang bagyo sa pagdating ng hangin.

Sana ay may alon. Sana ay may hangin.

Pagod na ako. Pagod na ako kaya kahit sampalin ay hindi matauhan. Pagod na ako kaya kahit itaboy ay hindi lumalayo. Pagod na ako kaya hindi humihinto. Higit na nakakapagod kasi ang paghinto. Higit na nakakapagod ang paghinto dahil kailangan mo na namang mag-isip. Kailangan nang mamili, mag-desisyon at manindigan.

Kaya kailangan ko ang alon. Kailangan ko ang hangin. Kailangan ko ang alon para makarating sa dalampasigan ng hindi gumagalaw. Kailanagan ko ng hangin upang makalayo ng hindi lumilipad.

Alon at hangin. Kailan kayo darating?

Wala na akong lakas para lumangoy at lumipad. Nauupod na ako. Unti- unting nalulusaw. Malapit na akong mawala. Malapit ng mamatay. Sandali na lamang. Malapit na…

Kaya, sana… kahit isa ay may dumating.

Alon o hangin . Kailan ka darating?