Paano Isinisilang ang Bayani?

by Riza Matibag Muyot
5:25nu
28Agosto2012


Ang bayani ay itinadhana. Ang kapalaran ay itinakda ni Bathala. Sa sinapupunan pa lamang binigyan na ng lahat ng kailangan- pambihirang karunungan, kakaibang katangian at karapat-dapat (kadalasa’y napakataas) na antas o katayuan sa lipunan. At sa pagsilang, binubuksan lahat ng pintuan. Sa bawat pagkakataon, sa lahat ng panahon, lahat ng pangyayari’y sa kanya’y iniaayon.

Ang bayani ay pinili ng Diyos. Itinakda. Itinadhana. Siya ang napiling bida ng direktor sa ating dula ng buhay. Ang tangi lamang niyang dapat gawin ay gampanan ng mahusay ang papel na sa kanya’y ipinagkaloob. At pagkatapos ng dula at kung maganda ang pagkakaganap, box-office hit ang pelikula. Ang bida ang itinatanghal na bayani ng lahi.

Namamatay ba ang bayani? Pinipili, nililikha, hinuhubog, inihahanda at saka pinapakawalan sa entablado upang magpakita ng angking mga katangiang naiiba sa karamihan. Tumatawa kahit nalulungkot. Umiiyak kahit natutuwa. Tumatahimik kahit nagagalit. Sumusugod kahit natatakot. Nag-titiis kahit inaapi. Nagbibigay kahit na maubusan. Nakangiti kahit na nagdurusa. At nagmamahal kahit nasasaktan. Nagpapamalas ng damdamin na madalas ay salungat sa karaniwang dapat maramdaman dahil sa kinakailangan.

Mahirap sumunod sa itinakda. Hindi madaling maging mahirap sa isang marangyang kinagisnan. Hindi madaling maging simple sa isang kumplikadong mundo. Mahirap at masakit maging bida sa dulaan.

Subalit bakit ito ginagawa? Kailangan nating panoorin ang palabas. Kailangan nating mapansin ang bida upang mapukaw ang damdamin, upang maramdaman natin ang lahat ng emosyon, upang tayo ay maging tunay na tao at matutong magpakatao. Higit sa lahat, kailangang siya ay maging halimbawa at magsilbing inspirasyon para mapukaw ang damdamin nating mga manonood upang magsilbing mitsa ng ating pagkilos.

Kaya kapag humupa na ang emosyon, kapag nagsawa na tayo sa panonood, kapag gusto na nating umalis ng sinehan, kapag malapit na tayong makatulog, bigla… hinahagupit ang bida, pinagdurusa at namamatay kung kailangan. Pinapatay ng direktor. Dahil ang malungkot na “ending” ang muling magbibigay daan sa susunod na pagtatanghal. Babalik tayong muli sa dulaan, may pananabik na mabubuhay ang dating bida o aabangang may isisilang na bagong bayani na muling gigising sa lahat ng ating itinatagong kaisipan at damdamin.

May buti sa kabila ng kasamaan. May pagbibigay sa kabila ng kasakiman. May pag-asa sa kabila ng trahedya at mga kabiguan. At may pagkabuhay sa kabila ng kamatayan.

May pag-asa ang pangarap. May kinabukasan na naghihintay. Dahil may isang direktor na walang sawang lumilikha ng ng bida, nagkukumpas, at nagtatanghal upang tayo’y patuloy na gisingin ang kamalayan. Ang Diyos ang ating maestro na humuhubog ng bayani at lumilikha ng dula upang tayo ay matuto ng mga aral ng buhay. At hangga”t hindi tayo natututo, patuloy ang Kanyang pagsasara at pagbubukas ng telon ng buhay.

Ang mga tanong: Ilang bida ang kailangang mamatay upang manatiling gising ang mga manonood? Ilang ulit kailangang magsara at magbukas ang telon bago natin mapagtanto na hindi pala tayo mga manonood lamang kundi kasama tayo sa palabas… at hindi lamang kasama kundi maari rin tayong maging mga bida!

 


Insights:

Links:
https://www.facebook.com/notes/riza-matibag-muyot/paano-isinisilang-ang-bayani/10151147236958905
https://www.facebook.com/photo.php?fbid=516237901758322&set=pb.315216651860449.-2207520000.1395720811.&type=3&theater

Ang akdang ito ang isa sa pinakamatagumpay na naisulat mo sa aking palagay. Malalim ang paksa, ngunit matalas mong binuo ang argumento at napaglangkap din ang estitikong nababagay dito.

Mahirap sabihing ginagawa o pinaplano ang pagiging bayani. Di magandang sabihin na nagplano ang isang tao na maging bayani. Ito daw ay parte ng kanyang kapalaran o destiny. Nahuli ng iyong sanaysay ang paglalangkap ng kristyanismo na naniniwala sa Diyos at ang humanismo na naniniwala sa kapangyarihan ng tao na itakda ang kanyang kapupuntahan. Sa iyong pananaw, may plano ang Diyos, ngunit kailangan pa rin gumalaw ang tao sapagkat di lang basta mangyayari ang plano ng Diyos nang walang partisipasyon ng tao.

Maganda ang pagkakahabi ng lengwahe. May musika ito na di nawala sa kabila ng marubdob na pangangatuwiran. At di rin pilit ang pangangatuwiran. Ang lohika nito ay umaagos dahil kapa ng sumulat ang paksa. Pati ang kanyang teknik sa pagsulat ay nakapag-ambag ng lakas di lamang sa lohika kundi maging sa estilo. Di rin nilunod ng pagiging marubdob o pagiging sentimentalismo nito ang nilalaman.

Ang pagkakasulat ay napapanahon, di lamang dahil sa pagkamatay ni Robredo. Napapanahon ito sapagkat matagal na ito’y magiging kapakipakinabang na akda para sa mga Pilipino.

Sana’y patuloy kang magsulat sa marami pang paksa tungkol sa buhay, maging sa sining o pilosopiya. Lagpasan mo na ang estilo na gamit na Gibran sapagkat magiging limitasyon lamang ito sa iyong pagyabong. Lagpasan mo na rin si Abadilla sapagkat mas mapapayaman mo pa ang iyong panulatan sa pamamagitan ng pagtuklas ng sarili mong sining. Binabati kita sa tagumpay ng iyong panulat sa akdang ito!!!
~Rolando S. Dela Cruz  August 28, 2012 at 6:22pm

So well written Riza. Heroes are heaven sent and directed from above.
~Hilario F. Tamor Jr.  August 28, 2012 at 6:11pm
 
… They are the chosen people. Destined to be great. And their stars are written even before they are born.
~Riza Matibag-Muyot  August 28, 2012 at 6:16pm

Sadyang pinili sila para sa kagitingan, kabayanihan at kadalkilaan. The soul that has gone was indeed a great one!

~Bob Tee  August 28, 2012 at 6:32pm

Ang galing!! Congratulations!!
~Lourdes T. David August 28, 2012 at 10:30pm
 
This should be published!!! What a marvelous piece this is!
~Beverly Ann C. Noriega  August 30, 2012 at 11:38am
 
ang galing naman Sis Riza!!. .
~Diana Bernardes  August 31, 2012 at 4:46pm
 
Riza.. Have you thought of publishing all your works? They are so splendidly written by your prolific pen, it would be a waste if these articles would just stay compiled somewhere on your writing table… Go forth and let the younger generation get a glimpse of a deep interpretation of things in life, By letting them read your many “Obra Maestra”.
You are one awesome lady!
~Victoria De Leon Viray  September 8, 2012 at 11:18am

with the appreciation, inspiration and support of people dear to me, like you, it is my wish to come up with a book on “Life’s Lessons” given God’s grace in His appointed time.
~Riza Matibag-Muyot  September 9, 2012 at 10:21am
 
Riza… I guess this is the time . You are in your prime, you have your charm, you are a people person, you are very intelligent lady, I suspect you have scribbled more than a hundred writings, you have Albert and family to support you, as well as your dear friends.. I say GO before those beautiful writings gather dusts in your baul…  I shall always pray for your success! God bless you!
~Victoria De Leon Viray September 9, 2012 at 10:42am
 
Prayers for you are plenty , my angel friend!
~Belen Tolentino September 11, 2012 at 12:10pm
 
Martyrs are destined
Destiny is decreed by ALLAH
From the womb endowed with
provisions-excellent knowledge
unique character and worthy
(oftentimes lofty) nobility
or social stature
Then at birth, all doors unfold
Each instance, each generation
with him in consonance are all events…
~Warina Sushik Bint Ismuraji May 26, 2013 at 10:55am

Please give me a copy at gemino_eugenio@yahoo.com Right now the U.P. General Education Council is considering new college courses (e.g., Heroism and Leadership) for later batch of graduates of the new K-12 curriculum. Thanks!!
~Gemino H Abad  July 2, 2013 at 11:08am

I am the protagonist in my own drama.
~Maria Gilda Racelis  July 2, 2013 at 9:29am